MANILA, Philippines - Nagkatotoo ang pangamba ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa panganib na dulot ng mga depektibong billboards makaraang dalawa katao ang nasugatan nang mabagsakan ng istruktura ng isang billboard ang sinasakyan nilang kotse kasama ang dalawa pang sasakyan, kahapon sa Buendia, Makati City.
Sa inisyal na ulat ng MMDA Metrobase, dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang aksidente sa panulukan ng Buendia Avenue at Osmeña Highway sa Makati City.
Lulan ang dalawang hindi pa nakikilalang biktima ng Toyota Corolla nang mabagsakan ng higanteng istruktura ang kanilang sasakyan.
Sinabi ni Charlie Nosares ng MMDA, nagtamo ng “minor injuries” ang mga biktima na agad nilapatan ng paunang lunas ng Makati Rescue Team bago dinala sa pagamutan upang makatiyak na walang ibang pinsala ang mga ito. Hindi naman batid kung magsasampa ng kaso ang mga biktima laban sa operator ng naturang billboard.
Nabatid din na isang pam pasaherong bus at isang Mitsubishi Pajero ang bahagyang nabagsakan din ng istruktura kung saan masuwerteng walang naiulat na nasaktan sa mga sakay nito.
Matatandaan na nagsumite nitong nakaraang Lunes ng mosyon si MMDA Chairman Francis Tolentino kay Judge Elpidio Calis ng Makati Regional Trial Court branch 133 upang pansamantalang isuspinde ang “temporary restraining order” laban sa operasyon sa billboards upang matiklop ng ahensya ang mga billboards para sa kaligtasan ng publiko ngunit hindi ito agad na napagbigyan.