MANILA, Philippines - Pansamantalang itinigil ang biyahe ng LRT line 1 at LRT line 2 at Metro Rail Transit (MRT) kahapon dahil na rin sa naranasang malawakang pagkawala ng supply ng kuryente sa Metro Manila bunsod ng malakas na hagupit ng hangin ng bagyong Pedring.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng Light Rail Transit Authority (LRTA), minabuti nilang itigil ang operasyon ng LRT at MRT upang maiwasan na rin ang aksidente na maaaring mangyari dahil sa malakas na hangin.
Sinabi ni Cabrera, sa tuwing sinasapol ng malakas na hangin ang mga tren ng LRT at MRT ay on and off ang supply ng kuryente kaya minabuti nilang itigil na muna ang kanilang operasyon.
Ganap na alas-9:00 ng umaga nang igarahe ang mga tren ng LRT line 1 na bumibiyahe mula sa Roosevelt Avenue, Quezon City patungo ng Baclaran, Parañaque habang ang LRT line 2 ay mula sa Recto Avenue, Maynila patungo ng Santolan, Pasig City.
Ganap na alas-11:00 naman ng umaga noong itigil ang operasyon ng MRT na bumabagtas sa kahabaan ng Edsa.
Dahil dito ay uminit ang ulo ng mga pasahero sa Light Rail Transit (LRT) matapos na ma-stranded ang mga ito sa Monumento Station nang ipahinto ang biyahe.
Habang isinusulat ito ay hindi pa rin alam ng pamunuan ng LRT kung kailan maibabalik ang operasyon at serbisyo.
Samantala, maging ang LRT line 2 ay pansamantala ring ipinahinto ang operasyon dahil na rin sa lakas ng hangin habang ang line 3 naman ay mabagal ang biyahe dahil mahina ang supply ng kuryente.