MANILA, Philippines - Isang 56-anyos na ginang ang binaril at napatay ng isa sa apat na armadong kalalakihan habang ang una ay naglalakad patungo sa kanyang kaibigan sa Brgy. Payatas sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District Station 6, nakilala ang nasawi na si Eva Agrisola, dating purok leader at residente ng Lanzones St., Brgy. Payatas.
Agad namang nagsitakas ang apat na armadong suspect kung saan dalawa sa mga ito ang nakatakip ang mukha.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Lanzones St., sa naturang Brgy. ganap na alas-11 ng umaga.
Diumano, kalalabas lamang ng biktima sa kanyang bahay at naglalakad sa nasabing lugar patungo sa bahay ng kaibigang si Lolita Ramos nang biglang sundan ito ng mga suspect.
Ilang sandali, isa sa mga suspect ang biglang nagbunot ng baril habang ang tatlo ay nagsilbing look out at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa noo at baba, saka mabilis na nagsitakas.
Namatay noon din ang biktimang ginang. Blangko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na pamamaslang.