Miyembro ng shooting team, utas sa ambush
MANILA, Philippines - Hindi umubra ang galing ng isang sharp shooter nang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng apat na kalalakihan habang pauwi na ang biktima mula sa Malabon Practical Shooting Association kamakalawa sa Malabon City .
Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Michael Lontoc, 30, ng Brgy. Bahay Toro, Quezon City, nagtamo ito ng tama ng bala sa kanan at kaliwang kili-kili buhat sa Uzi machine gun at .45 na baril.
Sa inisyal na report, naganap ang insidente dakong alas-5:00 ng hapon sa kahabaan M.H del Pilar St., panulukan ng Sanchangco St., Brgy. Tinajeros at Brgy. Catmon, Malabon City. Galing umano ang biktima sa isang competition sa nabanggit na lungsod at pauwi na ng maganap ang insidente.
Ayon sa saksing si Louie Acuña, 42, minamaneho nito ang kanyang motorsiklo habang nakabuntot sa kanyang likod ang sasakyan ng biktima na Toyota Hilux pick-up na kulay gray (ZCN-522).
Nakita ni Acuña ang apat na kalalakihan na pawang armado ng Uzi machine gun at .45 kalibre na baril at walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ang sasakyan ng biktima saka nagsitakas.
Sa kabila ng mga tinamong tama ni Lontoc ay nagawa pa nitong patakbuhin ang kanyang sasakyan subalit bumangga ito sa kongkretong bakod.
Mabilis na namang nawala sa kanyang paningin ang mga salarin.
- Latest
- Trending