MANILA, Philippines - Nagsagawa ng noise barrage ang mga residente ng maralitang komunidad sa BIR road, Quezon City upang tutulan ang nakaambang pagdemolis ng kanilang mga tahanan.
Bitbit ang mga kaldero at iba pang paingay, kinalampag ng mga residente ang pamahalaan dahil umano sa kawalang pagpapahalaga sa kanilang mga mahihirap.
Tutol ang mga residente sa implementasyon ng proyektong Quezon City Central Business District (QC-CBD) na magiging ugat para sila mapaalis sa kanilang kinatitirikang lupa.
Ayon kay Purificacion Baluyot, lider ng Brgy. Central Neighborhood Association (BACENA), ang huling clearing operations ay naganap noong nakaraang Miyerkules na nagpapakita ng matinding pagtulak sa lokal na pamahalaan ng lungsod para pabilisin ang demolisyon sa kanilang lugar.
Giit nila sa halip na tulungan para makarekober sa trahedya hatid ng sunog ay mistula pa silang hayop na itinataboy sa kanilang tinitirhan para mapagbigyan lamang ang sinasabi nilang pag-unlad.