MANILA, Philippines - Mariing nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na hindi sila ningas-kugon sa panghuhuli ng mga naninigarilyo.
Ang reaksiyon ni Tolentino ay base sa napaulat na sila’y tumigil na umano sa kanilang kampanya kontra yosi.
Giit ni Tolentino, sa kabila ng ipinalabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng Mandaluyong Regional Trial Court, na pagpapatigil sa kanilang kampanya naging tuluy- tuloy pa rin umano ang kanilang panghuhuli sa mga lugar na hindi naman saklaw ng TRO.
Sa TRO, saklaw lamang dito ang public places tulad ng kalsada, sidewalks at footbridge. Dahil dito, ayon kay Tolentino, tuloy ang kanilang panghuhuli sa mga naninigarilyo sa iba pang public places tulad ng transport terminal, eskuwelahan, ospital at iba pang mga enclosed public places.
Ngunit ayon pa kay Tolentino, lalo pa nilang pinaigting ang kampanya nang mapaso na noong nakaarang linggo ang 20-day TRO ng korte na kung saan muli na naman silang nanghuhuli sa mga naninigarilyo sa kalsada, sidewalks at footbridge.
Sa pinakahuling datos ng MMDA, umabot na sa 8,427 ang kanilang nahuli, 7,878 dito ay mga lalaki habang 549 naman ay mga babae.
Dagdag pa ni Tolentino, tulad ng nauna niyang sinabi, seryoso sila ng kanilang kampanya at walang katotohanan na sila’y ningas-kugon lamang sa kanilang kampanya kontra yosi.