Estudyante sinaksak ang guro

MANILA, Philippines - Isang guro sa pampublikong paaralan ang sinaksak ng kanyang 14-anyos na estudyante na nagtanim ng galit dahil sa madalas siyang paga­litan ng una sa klase sa Tondo, Maynila, inulat kahapon.

Sa ulat ni PO2 Sandro Cris, ng Manila Police District-Station 7, masuwerteng nakaligtas naman ang guro na kinilalang si Yolanda Pastoral, 60, ng Novaliches, Quezon City at nagtuturo sa Lakandula High School sa Tondo.

Nabatid na naganap ang insidente dakong alas 7-ng gabi kamakalawa nang magka­sabay sa isang pampasaherong dyip ang guro at estud­yante nitong suspect na itinago sa pangalang “Boyet”.

Habang nasa Juan Luna at Solis St. ang sinasakyang jeep, isang maliit na kutsilyo umano ang inilabas ng binatilyo at sinaksak sa katawan ang titser. Agad namang tumulong ang mga kasabay na pasahero kaya nadakip ang binatilyo at binitbit sa MPD-Station 7, bago nai-turn-over sa Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Nang imbestigahan ni MDSW chief, Jay dela Fuente, nagkausap ang biktima at mga magulang nito na nauwi sa patawaran kaya pinauwi na rin sa kanilang bahay ang suspect sa halip na ikustodiya ng MDSW.

Sinabi ni Dela Fuente na madalas pagalitan sa klase ang suspect ng biktima dahil sa sobrang pasaway umano ito.

Hindi na idinetalye pa ni Dela Fuente ang lahat ng pangyayari dahil tumanggi ang magkabilang kampo na magsalita sa media.

Show comments