Dahil sa sunog ginang inatake sa puso, patay
MANILA, Philippines - Namatay sa atake sa puso ang isang 53-anyos na ginang nang madamay sa sunog ang kanyang bahay sa higit 100 kabahayan na nilamon ng isang malaking sunog sa isang residential na lugar sa Parañaque City kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawing ginang na si Joselyn Esmaela, na nalagutan ng hininga dahil sa atake sa puso bunsod ng pagkataranta sa pagkatupok ng kaniyang bahay na nasa Brgy. Sto. Nino, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Parañaque City Fire Station, nagsimula ang sunog dakong alas-11:32 ng gabi sa bahay na inookupa ng pamilya ng isang Boy Danic sa Area II B Libho, Bgy. Sto. Niño hanggang mabilis na kumalat ang apoy.
Nabatid kay FO3 Vicente Aurellano, tinatayang aabot sa halos P3 milyong halaga ng mga ari-ariang naabo na naapula dakong alas-2:51 ng madaling-araw. Aabot naman sa 300 pamilya ang nawalan ng tahanan sa naturang sunog.
Aminado naman si Parañaque Fire Marshall Supt. Manuel Manuel na nahirapan silang apulahin kaagad ang apoy dahil hindi kaagad nakapasok ang kanilang mga bumbero sanhi ng napakasikip na daanan.
- Latest
- Trending