MANILA, Philippines - Anim na menor-de-edad na babae ang na-rescue sa sex trade habang walong Nigerian naman ang inaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa loob ng hotel sa Malate, Manila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief Director Samuel D. Pagdilao Jr. ang mga suspek na sina Lucky Nelson, 24; Dumalo Gbue, 25; Yerebbari Neemana, 29; Owki Baknanawe, 29; Sundah Korobriowei Matthew, 29; Gabriel Tekena, 28; Worlo Enyi, 25; Mark Jack, 24; pawang mga foreign students at kasalukuyang nakatira sa Manila Manor Hotel sa Bocobo St., Malate.
Una munang dumulog sa PNP-CIDG ang isang Cecilia Salvador makaraang mabiktima ang kanyang 14-anyos na anak na sangkot sa Internet pornography.
Bandang alas-10 ng gabi noong Miyerkules ay inilatag ang Project Angel Net sa nasabing hotel kung saan naaktuhan ang mga dayuhan na binibili ang serbisyo ng mga menor-de-edad sa handler nito na isang Emmy Cruz na nagkakahalaga ng P1,500 bawa’t isa.
Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos dakpin ng arresting team ng PNP-CIDG kung saan nasagip din ang anim na batang kababaihan.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children ang ikinakasa laban sa mga suspek.