Seaman binoga ng pulis

MANILA, Philippines - Patay ang isang 34-anyos na seaman nang barilin ng isang umano’y pulis dahil lamang sa away trapiko sa Ermita­, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Namatay habang ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Danielo Gray, ng Moonwalk, Las Piñas City dahil sa tinamong bala sa katawan.

Hindi pa tukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspect na nagpakilalang pulis. Inilarawan ito sa edad na 35-40-anyos­, may taas na 5’9-5’10, panot, nakasuot ng kulay­ gray na t-shirt, itim na pantalon. Dalawa ang kasama sa sasakyan ng nasabing pulis kabilang ang isang babae.

Sa ulat ni SPO2 Glenzor Vallejo ng Manila Police District­-Station 5 (Ermita), dakong alas-2:10 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa kanto ng M.H Del Pilar at Salas Sts., Ermita, Maynila.

Nabangga umano ng suspect ang kulay itim na Toyota Vios (DVZ 443) ng biktima kaya bumaba sila ng kasamang si Armie Pascual, 31 at 2 pang lalaki at bumaba rin umano ang suspect at mga sakay nito sa Mitsubishi GLXI (UEC 374) kulay gold. Nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang dalawa kabilang ang mga sakay nito.

Kinukunan umano ni Pascual ang parte ng sasakyan na nabangga subalit hinablot umano ng suspect at nalaglag ang cellphone nito hanggang sa kunin umano sa sasakyan ng suspect ang kaniyang baril at muling lumapit sa mga biktima at walang sabi-sabing binaril si Gray sa dibdib.

Matapos ang pamamaril, bumalik ang mga suspect sa kanilang sasakyan at pinasibad sa direksiyon ng M. H. Del Pilar St., Malate. Nabatid na rumesponde rin ang barangay­ officials sa insidente at tumulong sa pagdala sa ospital sa biktima.

Show comments