MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang umano’y FX driver, habang sugatan ang 15 pa nang araruhin ng isang rumaragasang bus ang isang pampasadang dyip na nagresulta sa karambola ng anim na sasakyan kahapon ng umaga sa Arrocerros, Maynila.
Kinilala ang nasawi na si Rolando Roldan, ng Acacia St., Las Piñas City. Ayon sa ulat nahagip ng rumaragasang Earth Star Express (PWG-638) na may biyaheng Fairview-Quiapo-Baclaran si Roldan na pumailalim naman sa isang pampasadang dyip (TGZ-628) na nagbababa ng mga pasahero at nakaladkad pa ang katawan nito. Naging dahilan din ito ng pagkakasugat sa may 15 iba pa.
Ayon kay SPO3 Sergio Macaraeg ng Manila-Traffic Enforcement Unit, dakong alas-8:00 ng umaga nang maganap ang insidente pagbaba ng tulay ng Quezon Bridge sa Lawton.
Nawalan umano ng kontrol ang driver ng Earth Star Express sanhi upang mabangga nito si Roldan na noon ay galing umano sa Manila City Hall at papatawid sa kalsada. Tuluy-tuloy na inararo ng bus ang dyip, na nasa tapat ng Metropolitan Theatre na doon pumailalim si Roldan.
Bumangga pa ang unang jeep na inararo ng bus sa apat pang sasakyan kabilang ang dalawang Toyota FX (PXG-401 at TWM-452), isa pang passenger jeepney (TWU-811), at isang Earl John Bus (TYR-530), sanhi upang masugatan ang iba pang biktima.
Ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) at sa Philippine General Hospital (PGH) ang mga sugatang pasahero na ang ilan ay nabalian umano ng buto. Dalawang oras pa ang lumipas bago maialis ang duguang si Roldan sa ilalim ng dyip na basag ang bungo.
Sa isinagawang follow-up operation, naaresto naman ang driver ng bus na si Richard Enero.