Real estate broker, pinatay sa hotel
MANILA, Philippines - Isang 69-taong gulang na real estate broker ang pinatay sa loob ng isang hotel sa Mandaluyong City kamakalawa ng gabi sa pamamagitan ng pagpukpok ng matigas na bagay sa kanyang ulo.
Kinilala ang biktima na si Don Relova, ng Cagayan St., Sta. Ana, Manila.
Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman sa krimen ang isang di-kilalang babae na kasama umanong nag-check-in ng biktima sa isang hotel na matatagpuan sa ikalimang palapag ng Market Place Mall sa Brgy. Kalentong, Mandaluyong City.
Sa isinagawang imbestigasyon, nabatid na dakong alas-4:49 ng hapon nitong Lunes nang mag-check-in ang biktima sa Room 131 ng naturang hotel, kasama ang isang di-kilalang babae.
Dakong alas-10:00 ng gabi naman nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa ibabaw ng kama.
Isang empleyado ng hotel ang nakadiskubre sa krimen matapos na magtungo ito sa kuwarto ng biktima upang ipaalala rito na malapit na ang oras ng kanilang pag-check-out.
Gayunman, nang katukin ay walang sumasagot sa loob ng kuwarto, sanhi upang puwersahan nang buksan ang pinto at dito natagpuan ang bangkay ng biktima, na nakasuot lamang ng underwear.
Isang unan at isang tuwalya ang nakatakip sa mukha ng biktima at natuklasang may sugat ito sa ulo na palatandaang pinukpok ito ng matigas na bagay na maaaring siyang ikinasawi nito.
Nais pa umanong palitawin ng salarin na nag-suicide ang biktima matapos na makakita ng isang lalagyan ng lason sa daga sa bibig ng biktima, at isang sulat-kamay na liham na nagsasaad hinggil sa pangit umanong karakter nito.
Ayon kay P/Senior Supt. Armando Bolalin, hepe ng Mandaluyong City Police, isang kopya ng closed-circuit TV camera mula sa hotel ang hawak nila sa ngayon na maaaring makatulong sa pagresolba ng krimen.
Ipapakita umano ng mga awtoridad ang naturang video footage sa pamilya ng biktima upang matukoy kung kilala ng mga ito ang babaeng kasama ng biktima.
- Latest
- Trending