Pag-amyenda sa juvenile law, suportado ng mga huwes
MANILA, Philippines - Sinuportahan ng mga huwes na nakatalaga sa family courts ng Manila Regional Trial Court ang panawagan ni Manila Mayor Alfredo Lim na maamyendahan ang juvenile law, partikular na ang pagpapatupad ng mas mababang edad kung saan maaaring arestuhin ang isang menor de edad.
Sa ginawang pakikipagpulong ni Lim kasama ang ilang mga opisyal na kinabibilangan nina secretary to the mayor Rafaelito Garayblas, city administrator Jesus Mari Marzan, city legal officer Renato dela Cruz, City College of Manila president Atty. Solfia Arboladura at Manila-social welfare department chief Jay dela Fuente, sinabi ng mga huwes na plano nilang gumawa ng resolusyon bilang suporta sa adhikain ng alkalde.
Sinabi naman ni Judge Silverio Castillo ng branch 48, ang lahat ng anim na huwes ay pabor na gawing siyam na taon ang gulang ng menor de edad na maaring arestuhin kung saan dadalhin ang kanilang panukala sa Kongreso at Senado.
Giit ni Lim, karamihan ngayon sa mga menor de edad ay ginagawang hanap buhay na lamang ang paggamit sa kanila ng mga sindikato.
Sinang-ayunan din ng mga huwes ang pahayag ni Lim na karamihan sa menor de edad ay iba na ang mentalidad at hindi na tulad ng dati na naliligaw lamang ng landas.
- Latest
- Trending