Carnappers sumalakay sa Makati

MANILA, Philippines - Isa na namang insidente ng carnapping ang naganap nang humigit kumulang sa limang kalalakihan ang tumangay ng isang Toyota Fortuner kahapon ng umaga sa Makati City.

Sa report, kinilala ang mga biktimang sina Louie Brian Sze, 36, ng Brgy. San Antonio Village, Pasig City at Daiza Anne Ong, 28, dalaga, residente ng Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.

Sa inisyal na imbestigas­yon, naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng umaga sa kahabaan ng B. Mayor St., Brgy. Pio del Pilar ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na kapwa abogado sina Sze at Ong, kung saan gamit nila ang isang kulay dark blue na Toyota Fortuner (ZMR-243).

Ipinarada nila ang nabanggit na sasakyan sa naturang lugar, subalit ilang oras ang nakalipas ay nadiskubre nilang wala na ito.

Kaagad na nagtungo ang dalawang abogado sa himpilan ng Makati City Police upang i-report ang nasabing insidente.

Samantala, nagpalabas naman ng flash alarm ang pulisya sa lahat ng istasyon na nasasakupan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente.

Show comments