MANILA, Philippines - Patay ang isang driver habang kritikal pa ang kondisyon ng pahinante nito sa saksak at pamamaril makaraang haydyakin ang kanilang delivery van na naglalaman ng produktong nagkakahalaga ng tinatayang P800,000 sa bahagi ng Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Nadiskubre lamang ang krimen nang isang kolektor ng basura ang nakakita sa pahinanteng si Bryan Eduarde, 26, ng Cabuyao, Laguna, empleyado ng ARO Logistics Incorporated na lumalabas mula sa isang 6-wheeler wing truck na duguan.
Sa puntong iyon ay inusisa na rin ni William Arenas, ng Leonel Waste Management ang truck at nadiskubre niyang patay na ang driver na si Henry Baraquias (base sa identification card), residente rin ng Cabuyao, Laguna, empleyado ng nasabing kompanya. Nakaupo ito sa driver’s seat, nakagapos ang mga kamay, may packaging tape sa bibig at may nakatalukbong na puting kumot.
Sa report ni PO3 Efren Flores ng MPD dakong alas-4:25 ng madaling araw nang madiskubre ang insidente at ang 6 wheeler wing truck (TXP 593) sa bahagi ng North Bay Blvd.,Tondo, Maynila. Wala na ang mga produktong dala nila sa truck. Nang tawagan ang kompanya mula sa nakuhang telephone number sa van, napag-alaman sa operation officer ng ARO Logistics na si John Paule na umalis mula sa Laguna ang dalawang biktima alas-3:00 ng madaling-araw para ideliber ang mga produkto ng Procter and Gamble kabilang ang mga sabon at shampoo.
Sa pamamagitan din umano ng Global Position System (GPS) na nakalagay sa van ay napag-alaman ni Paule na posibleng na-hijack na ang mga biktima sa bahagi ng Taguig City hanggang sa hindi na ito nila ma-trace.