Imbakan ng hinahaydyak na semento sinalakay
MANILA, Philippines - Isang compound na pinaniniwalaang pinagdadalhan ng mga hinahaydyak na kontrabando ang sinalakay ng mga operatiba ng pinagsanib na mga ahensya ng PNP kung saan nasamsam ang bultu-bultong bag ng semento sa lungsod Quezon, kahapon. Ayon sa ulat, ang sinalakay na bodega ay ang CCST Builders na matatagpuan sa Tagala compound, Australia St., Upper Banta sa lungsod. Ang pagsalakay ay ginawa ng pinagsanib na tropa ng Criminal Investigation and Detection Group, Regional Special Operation Group at Highway Patrol Group ng PNP, Camp Crame ganap na alas-10 ng umaga. Bago ito, isang 10-wheeler truck na naglalaman ng 600 sako ng semento na pag-aari ng GRS Jaro Enterprises ang hinaydyak ng mga armadong kalalakihan sa may Puting Kahoy, Silang, Cavite noong Sept. 6. Ayon sa driver ng truck na si Nehemias Cruz, galing sila ng GMA warehouse sa Cavite at ihahatid sana ang mga semento patungong Sta. Rosa, Laguna nang harangin ng mga armadong suspect pagsapit sa lugar. Agad silang iginapos ng mga suspect saka tinangay ang kanilang truck, bago tuluyang inabandona ilang metro ang layo sa nasabing lugar. Samantala, nangyari ang pagsalakay ng mga operatiba nang humingi ng tulong sa mga ito ang empleyado ng GRS Jaro Enterprises matapos na matukoy ang lugar ng pinagbabagsakan ng naturang kontrabando. Sinasabing isang dating empleyado ng GRS Jaro Enterprises ang nakakita sa mga saku-sakong semento at agad na ipinaabot ito sa nasabing may-ari, na siyang ugat ng nasabing pagsalakay.
- Latest
- Trending