MANILA, Philippines - Patay ang isang holdaper makaraang makipagpalitan ng putok sa mga rumespondeng pulis ilang minuto matapos na holdapin at tangayan ng sasakyan ang isang taxi driver sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat, nakilala ang nasawi na si Ibrahim Hazir, 51, tubong Tambaca Iligan City.
Si Hazir ay nasawi sa engkuwentro sa pagitan ng tropa ng QCPD matapos manlaban habang tumatakas dahil sa panghoholdap sa biktimang si Armando Tabuada, 53, ng Brgy. Taniong Malabon City.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Hemady St., malapit sa panulukan ng Broadway St., Brgy. New Manila ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.
Bago nito, ayon kay Tabuada, sumakay umano sa kanyang R@E Taxi (UVJ-823) sa may Shaw Blvd., Kalentong, Mandaluyong City ang suspect na nagkunwaring pasahero at nagpahatid sa Hemady St., sa Quezon City.
Pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lamang naglabas ng baril ang suspect at nagdeklara ng holdap. Agad na kinuha ng suspect ang kinita ng biktima na nagkakahalaga ng P2,600 at cellphone, saka iniwan si Tabuada at kinomander ang taxi ng huli.
Tiyempo namang nagpapatrulya sina PO3 Rommel Apanay at PO2 Roy Peña sakay ng mobile car 172 sa may Palanza St., Brgy. Santol at naispatan ang nasabing taxi habang nakahinto. Dahil kahina-hinala ang kilos ng suspect, agad na nilapitan ito ng mga awtoridad para i-tsek, subalit hindi pa sila nakakalapit ay lumabas ang una at saka nagbunot ng baril at pinaputukan ang sasakyan ng mga awtoridad.
Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na ikinatama ng suspect. Narekober sa lugar ang isang kalibre 357 na armas at ang pera ng nabiktima nitong taxi driver.