MANILA, Philippines - Umaabot sa may P100 milyong iba’t ibang pekeng mga produkto ang winasak ng Bureau of Customs na nasabat mula sa mga bodega na ginagamit na imbakan ng mga pinaniniwalaang smuggler ng mga puslit na kargamento.
Ayon kay Customs Commissioner Angelito Alvarez, ang mga pekeng produkto ay kinabibilangan ng kilalang brand name tulad ng Louis Vuitton bags, Lacoste, Nike, Adidas na sapatos at relos.
Nabatid na gawang China ang mga nasabing produkto na ikinakalat sa mga tindahan kung saan nakabibili ng mga gamit sa murang halaga gaya ng 168 mall at iba pang bargain centers sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Nilinaw ni Alvarez na ang mga sinirang produkto ay bahagi ng mga nakumpiska noong isang taon at ng P300 milyong nakumpiska noong isang buwan.
Sa rekord na naitala ng Intellectual Property Rights Office ng Pilipinas, pinuri ang BOC sa pagkasamsam ng P1.3 bilyon halaga ng pekeng produkto mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.