MANILA, Philippines - Lagot na naman ang mga talamak na ‘yosi kadiri’ sa Metro Manila dahil sa muling panghuhuli ng mga “environment enforcers” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) simula nitong Lunes makaraang mapaso na ang temporary restraining order na inilabas ng Mandaluyong City Regional Trial Court.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na nag-umpisa nang muling manghuli sa mga kalsada ang kanilang mga enforcers na karamihan ay mga babae dahil sa hindi na epektibo ang TRO na inilabas ni Mandaluyong RTC Branch 213 Judge Carlos Valenzuela.
Upang hindi naman magkaroon ng kalituhan sa mga lansangan, napagkasunduan ng MMDA at ng Kongreso sa pagbisita ni Tolentino sa Kamara na magkabit ng mga “No Smoking signages” sa mga lugar na ipinagbabawal ang paninigarilyo base sa isinasaad ng Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003.
Ikakabit ang mga signages na ito sa mga terminals ng iba’t ibang transportasyon, mga kalsada, pampublikong mga gusali at open space tulad ng mga parke.
Binilinan na rin umano ang kanilang mga enforcers na kapag naninita ay ituro rin sa mga naninigarilyo ang mga itinalaga nilang lugar sa Kamaynilaan na maaaring manigarilyo dahil sa may mga inilagay silang “smoking bins”.
Nilinaw ni Tolentino na hindi maaaring manghuli ang kanilang mga traffic enforcers kundi ang kanilang mga environment enforcers lamang na karaniwang nakasuot ng brown na tsaleko.
Sa website ng MMDA, umaabot na sa 7,627 ang nadadakip ng MMDA hanggang Setyembre 9 kung saan pinagbabayad ang mga ito ng kanilang multa sa banko. Kapag hindi nagawang makapagbayad, iaalerto ang pangalan ng naturang natikitang tao at mahihirapang makakuha ng NBI clearance at iba pang mahalagang dokumento.