250 kilong 'botcha' nasamsam
MANILA, Philippines - Aabot sa 250 kilong karne ng baboy na pinaniniwalaang botcha ang nasamsam ng Manila Veterinary Inspection Board sa bahagi ng Divisoria market, Maynila kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng MVIB, dakong ala-una ng madaling-araw nang ilatag ang operasyon sa panulukan ng CM Recto at Juan Luna Street sa Tondo, Maynila.
Batay sa impormasyon nakalap ng mga awtoridad, inabutan ang mga nakasakong karne ng baboy na natatakpan ng lona sa maputik na kalye.
Wala namang naarestong vendor na may-ari ng mga botcha na nakasako at wala ding umangkin nang ikarga ito sa mga sasakyan upang kumpiskahin at suriin.
Inaasahan na ang pagdagsa ng botcha sa nasabing palengke at sa iba pang merkado dahil sa papalapit na Kapaskuhan.
Matatandaang noong Setyembre 2 lamang ay nakakumpiska na ang MVIB ng may 500 kilong botcha sa Divisoria at noong Setyembre 6 naman ay nasa ma-
higit 250 kilong botcha din ang nasamsam sa Paco market.
- Latest
- Trending