MANILA, Philippines - Handa ang Quezon City government na magbigay ng full assistance sa homeowners ng 24-ektaryang lupain sa Brgy. Culiat na inaangkin ng isang Wilfredo Torres na may hawak na dokumento na isyu ng isang hukom ng korte.
Sa isang pulong sa pagitan ng mga opisyal ng QC Hall na pinangunahan ni Atty. Christopher “Kit” Belmonte, tiniyak nito sa mga homeowners at property owners sa pinagtatalunang lupa na ang pangasiwaan ni QC Mayor Herbert M. Bautista ay gumagawa ng lahat ng paraan upang alalayan ang mga residente para sa isang tahimik at maayos na resolusyon para maiwasan ang anumang kaguluhan dito.
Una nang inatasan ni Mayor Bautista ang QC police na alalayan ang mga residente kung may request ng police assistance mula sa Sheriff’s Office upang maiwasan ang anumang kaguluhan doon. Noong nakaraang Martes , may 100 pulis ang nakabantay sa naturang lugar dahil sa ipinalabas na writ of possession order ni QC RTC Judge Tita Marilyn Villordon na nagsasabing ang lupain ay pagmamay-ari daw ni Torres. Si Torres at grupo nito ay sinasabing number 1 sa talaan ng PNP Task Force on Squatting sa usapin ng land grabbing sa bansa.
Sa usaping ito, nagpalabas na ng TRO ang Court of Appeals na nag-uutos kay Torres at Judge Villordon na magsumite ng comment hinggil sa apela ng homeowners na sila ang tunay na may- ari ng lupaing matagal na nilang tinitirahan ng ilang dekada.