MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang labor lider matapos itong barilin ng hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Mula sa Manila Central University (MCU) Hospital, inilipat sa St. Luke’s Medical Center ang biktimang si Guillermo Malipot, 59, ng El Pueblo, Sta. Maria, Bulacan at presidente ng “Nagkakaisang mga Manggagawa sa Pantalan, ICTSI-NAFLU-MICT”, na nagtamo ng tama ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-6:09 ng gabi sa kahabaan ng C-3 Road, Brgy. Sawata, Caloocan City.
Nabatid na kasama ng biktima ang kanyang secretary na si Elma Carnaje at sakay ng isang sasakyan at habang binabagtas ang nabanggit na lugar, bigla silang hinarang ng suspek na nakasakay sa motorsiklo at walang sabi-sabing pinaulanan ito ng bala.
Inasinta ng suspect si Malipot at masuwerteng hindi tinamaan si Carnaje.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspect sa akalang napatay niya ang target.
Kaagad namang isinugod ang biktima sa pagamutan.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente, inaalam din kung may kinalaman sa pagiging presidente nito ng labor group ang motibo sa naganap na krimen.