MANILA, Philippines - Nag-rally kahapon ang may 230 traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa harap ng Mandaluyong City Hall of Justice para isigaw ang kahilingan na bigyan ng patas na hustisya ang kasama nilang nakaratay ngayon sa pagamutan makaraang pagbabarilin ng isang motorista na sinita nito dahil sa paglabag sa color coding sa San Juan City noong Miyerkules ng hapon.
Pawang nakasuot ng blue uniform ang mga nag-rally na may dalang placard na nakasulat ang “Justice for enforcer Fiala”.
Umaapila sila sa mga kinaukulang official na sana ay mabigyan ng hustisya si Fiala makaraang makatanggap sila ng impormasyon na ang suspek na si Edward John Gonzales ay pamangkin umano ni Mandaluyong City Congressman Neptali Gonzales II.
Ang suspek ay ipinagharap na ng kasong frustrated murder at direct assault on an agent of a person in authority. Habang si Fiala ay matamang binabantayan ngayon sa pagamutan makaraang may mga taong umaaligid umano sa kanyang kuwarto.
Kabilang sa mga sumama sa rally ay sina Danilo Perreno, hepe ng Western Traffic District, Emerson Carlos, assistant general manager for operation at Tina Velasco na siyang tagapagsalita ng MMDA.