MANILA, Philippines - Tinotoo na ng mga kompanya ng langis ang pahayag na ikalawang pagtataas sa presyo ng petrolyo ngayong linggo makaraang ipatupad ito umpisa kahapon ng madaling-araw.
Muling nanguna ang Pilipinas Shell sa oil hike dakong alas-12:01 ng hatinggabi nang itaas ang presyo ng premium, unleaded at regular na gasolina ng P.70 kada litro at P.25 sentimos kada litro naman ng diesel at kerosene.
Sumunod naman dito na nagtaas din ng kahalintulad na halaga ang iba pang oil players kabilang ang Chevron Philippines, PTandT, Total Oil Corp., at Phoenix Petroleum. Matatandaan na una nang nagpatupad ng dagdag-presyo ang mga ito noong nakaraang Setyembre 6 (Martes).
Dahil sa hindi naman nagsagawa ng pagtataas noong Martes, mas malaki naman ang oil hike na ipinatupad ng Petron Corporation na nagtaas ng P1.60 sa kada litro ng premium, unleaded at regular na gasolina at P.95 sentimos naman kada litro sa diesel at kerosene.
Mula Enero ngayong taon, nagkaroon na ng kabuuang 24 na oil hike sa gasolina na umabot ng halagang P18.35 kada litro habang 11 rollback lamang na nagkakahalaga ng P10.30 at may sumatutal na P8.05 net price na itinaas.
Sa diesel, nagkaroon na ng 22 beses na pagtataas na nagkahalaga na ng P15.60 kada litro habang 11 beses na rollback na may halaga lamang na P10.10 kung saan nasa P5.50 ang net hike kada litro. Sa kerosene, 24 na beses na ring itinaas ito sa halagang P14.95 habang 10 beses nag-rollback sa halagang P10.15 at net hike na P4.80 kada litro.