Ginang tinarakan ng lover ni mister

MANILA, Philippines - Isang ginang ang malubhang nasugatan nang saksakin ng gunting ng kalaguyo ng kanyang mister kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Ginagamot sa Fairview General Hospital ang biktimang si Sylvia Panganiban, ng Don Fabian, Commonwealth, Quezon City sanhi ng tinamong saksak sa katawam.

Nakakulong naman ang suspek na si May Robinacio, 28, ng Upper Nawasa, Commonwealth, Quezon City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:00 ng gabi sa bahay ng kaibigan ng biktima sa Malipaca St., Maligaya Park Subdivision, Caloocan City.

Nabatid na kasama ng biktima ang kanyang mister na si Theodor at naroon din ang suspek, kung saan may hinala ang ginang na may relasyon ang kanyang mister at ang suspek.

Habang magkakaharap silang nag-iinuman, nagyaya ang biktima sa kanyang mister na umuwi na subalit sumagot ang lalaki na hindi na siya uuwi at sasama na ito sa suspek.

Dahilan upang mag-iiyak ang biktima, makalipas ang ilang sandali lumapit ang biktima sa suspek at kanya itong si­nampal. Gumanti ang suspek at nang makahagilap ng gunting­ ay inundayan ng saksak ang biktima.

Mabilis na isinugod ang duguang biktima sa nabanggit na pagamutan at ang suspek naman ay nadakip ng mga pulis na rumesponde.

Show comments