MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na patuloy na gagamutin at aasikasuhin ng mga city government hospitals ang mga may sakit na walang pambayad bunsod na rin ng mataas na presyo ng gamot at konsultasyon.
Ang paniniyak ay ginawa ni Lim sa inagurasyon ng bagong gawang Yakal St. sa Tondo, Maynila upang maibsan ang pagbabaha sa mga lugar tuwing umuulan at bumabagyo.
Ayon kay Lim, hindi nila maaaring talikuran ang mga hindi residente ng Maynila na nais na magpagamot lalo na kung emergency cases.
Nakasaad sa report ng Commission on Audit (COA) na tanging mga residente lamang sa Maynila ang dapat na gamutin sa mga city hospitals.
“Paano naman ang gagawin natin kung halimbawa emergency case `yung du mating sa ospital? We need to admit. Puwede ba na pag sinabi nung pasyente na taga-Pasay o taga-Quezon City siya, sasabihin sa kanya na bumalik ka na lang dun sa Pasay o Quezon City?”, ani Lim.
Simula ng kanyang panunungkulan noong 1992, naging polisiya ni Lim na gamutin ang lahat ng mga may sakit maging ito ay Manilenyo o hindi.
Kasabay nito, ipinakilala din ni Lim ang mga hepe ng mga director ng city government hospital na kinabibilangan nina Dr. Jun Cando ng Ospital ng Tondo, Dr. Teodoro Martin ng Jose Abad Santos Gen. Hospital at Dr. Fidel Chua ng Gat Bonifacio Medical Center.
Bukod dito, nilinaw din ni Lim na hindi na kailangan pang magpakita ng kanilang mga voter’s ID, barangay certificate o anumang identification ang isang pasyente. “Ang tangi kong bilin, eksaminin `yung pasyente. Pag may sakit, gamutin,” dagdag pa ni Lim.