MANILA, Philippines - May 400 kilo na namang “botcha” o double dead na karne ng baboy ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District (MPD) at Veterinary Inspection Board (VIB) sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Si Danilo Loque, pedicab driver, ay naaresto habang minamaneho ang kanyang pedicab na may sakay na mga botcha na umano’y kanyang idedeliber sa Divisoria market.
Ayon kay Dr. Hector Dimaculangan, dakong alas-11:30 ng gabi nang mamataan nila ang suspect makaraang makatanggap ang kanilang opisina ng isang tawag mula sa isang “tipster” na may magdadaan ng mga idedeliber na karneng botcha sa kanto ng Dagupan at Recto Sts., sa Tondo.
Itinanggi naman ni Loque na may kinalaman siya sa naturang karne ng botcha dahil napag-utusan lamang umano siya na ihatid ang naturang mga double dead na karne sa pamilihan ng Divisoria.
Matatandaan na noong nakaraang linggo lamang ay may nasamsam na 500 kilo ng botcha sa Divisoria.