Pamangkin ng reporter, sinalvage ng tourist police?
MANILA, Philippines - Sumisigaw ngayon ng hustisya ang pamilya ng biktima ng salvage sa Maynila na pamangkin ng isang reporter.
Bunsod nito ay pumasok na sa imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) at National Police Commission (NAPOLCOM) para sa agarang ikalulutas ng krimen.
Sa dalawang pahinang affidavit sa CHR ni Primitivo Su-ay, ama ng biktimang si Frederick Su-ay sinabing inaresto ng apat na Tourist police sa Luneta ang kanyang anak noong Agosto, 20, 2011 ganap na alas-10:00 ng umaga ngunit noong Agosto 23, ganap na alas-10:00 ng gabi ay natagpuan ng patay ang kanyang anak sa likuran bahagi ng National Museum Taft Avenue, Maynila.
Ang biktimang si Frederick na pamangkin ng reporter na si Alex Balcoba ay natagpuang naliligo sa kanyang sariling dugo, may tama ng bala sa ulo at maraming sugat at pasa sa katawan na hinihinalang pinahirapan muna bago tuluyang pinaslang ng mga salarin.
Sentro ng imbestigayon ngayon ng CHR ang mga tauhan ng Tourist police, kabilang na ang isang police woman na umaresto sa biktima dahil lamang sa kasong bagansiya makaraang makita umanong sumisinghot ng rugby sa Luneta.
May ilang testigo na ang lumutang na nagpapatunay na dinakip ng mga pulis ang biktima at nagpahayag ng kanilang intensiyon na makikipagtulungan para malutas ang kaso.
Umaasa ang pamilyang Su-ay na bago ihatid sa huling hantungan si Frederick sa Manila North Green Park sa Miyerkules (Sept. 7) ay matutukoy na ang mga tourist police.
- Latest
- Trending