2 tourist guide 'na-sandwich' ng bus at van, patay

MANILA, Philippines - Dalawang tourist guide ang agad na nasawi, habang sugatan ang isang pahinante nang magkarambola ang tatlong sasakyan sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mario Cahusay, 28; at Delmar Salazar, 20, kapwa naka­tira sa Upper Bicutan, Taguig City na nagtamo ng matinding pinsala sa kanilang katawan dahil sa aksidente.

Patuloy namang gina­gamot sa East Avenue Me­dical Center (EAMC) ang su­gatang pahinante ng van na si Marlon Calaonan.

Base sa report ng Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), dakong alas-4 ng umaga nang maganap ang sakuna sa EDSA sa kanto ng Congressional Ave­nue, Brgy. Ramon Magsaysay sa lungsod.

Sa inisyal na imbestigas­yon, patungo sa direksiyon ng Monumento ang Prince Maya Bus (TYP-504) na minama­neho ni Roberto Velleza, 46, ng Mandaluyong City at habang binabaybay ang kahabaan ng EDSA pagsapit sa nabanggit na lugar ay nabundol nito ang likuran ng isang closed van (WVP-739).

Sa puntong ito, bumaba ng bus ang driver na si Velleza at nakikipagnegosasyon sa driver ng van kung saan su­munod ang dalawang pasahero ng bus.

Habang nag-uusap ang driver ng bus at driver ng van sa gitna ng kanilang sa­sakyan, bigla na lamang nabundol ng humahagibis na ten-wheeler truck (RFC-781) ang Prince Maya bus kung saan matinding naipit sa pa­gitan ng van at bus sina Sa­lazar at Cahusay na ikinamatay nila noon din.

Agad namang sumuko sa naturang traffic sector ang driver­ ng bus na si Velleza habang nakatakas ang hindi pa kilalang driver ng ten-wheeler truck.

Show comments