2 tourist guide 'na-sandwich' ng bus at van, patay
MANILA, Philippines - Dalawang tourist guide ang agad na nasawi, habang sugatan ang isang pahinante nang magkarambola ang tatlong sasakyan sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Mario Cahusay, 28; at Delmar Salazar, 20, kapwa nakatira sa Upper Bicutan, Taguig City na nagtamo ng matinding pinsala sa kanilang katawan dahil sa aksidente.
Patuloy namang ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang sugatang pahinante ng van na si Marlon Calaonan.
Base sa report ng Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), dakong alas-4 ng umaga nang maganap ang sakuna sa EDSA sa kanto ng Congressional Avenue, Brgy. Ramon Magsaysay sa lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, patungo sa direksiyon ng Monumento ang Prince Maya Bus (TYP-504) na minamaneho ni Roberto Velleza, 46, ng Mandaluyong City at habang binabaybay ang kahabaan ng EDSA pagsapit sa nabanggit na lugar ay nabundol nito ang likuran ng isang closed van (WVP-739).
Sa puntong ito, bumaba ng bus ang driver na si Velleza at nakikipagnegosasyon sa driver ng van kung saan sumunod ang dalawang pasahero ng bus.
Habang nag-uusap ang driver ng bus at driver ng van sa gitna ng kanilang sasakyan, bigla na lamang nabundol ng humahagibis na ten-wheeler truck (RFC-781) ang Prince Maya bus kung saan matinding naipit sa pagitan ng van at bus sina Salazar at Cahusay na ikinamatay nila noon din.
Agad namang sumuko sa naturang traffic sector ang driver ng bus na si Velleza habang nakatakas ang hindi pa kilalang driver ng ten-wheeler truck.
- Latest
- Trending