MANILA, Philippines - Umaabot sa P40 milyong halaga ng mga produkto at ari-arian ang natupok makaraang lamunin ng apoy ang apat na magkakadikit na bodega, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Pasay, dakong alas-2:56 ng madaling-araw nang unang sumiklab ang apoy sa isang bodega ng tela sa may Armstrong Road, Merville Access Road.
Agad na kumalat ang apoy nang mahagip ang mga telang nakaimbak na mabilis na natupok.
Agad na itinaas ng Pasay City Fire Department ang Task Force Alpha nang mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bodega na may mga nakaimbak namang mga kemikal kung saan rumesponde na rin ang ibang mga bumbero buhat sa mga karatig-lungsod.
Nabatid na nahirapan naman ang mga bumbero na maapula ang apoy dahil sa isang trak lamang ang maaaring magkasya sa napakakitid na daan patungo sa naturang mga bodega habang hindi naman umabot ang haba ng hose ng ibang rumespondeng trak ng bumbero.
Lumakas din nang husto ang apoy dahil sa mistulang ginagatungan ito ng malakas na hangin.
Dakong alas-8:49 na ng umaga nang ideklara ng BFP na “under control” ang apoy kung saan wala namang naiulat na nasawi at nasaktan sa insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, maaaring nagbuhat ang apoy sa pag-short circuit ng sala-salabid na kawad ng kuryente sa naturang bodega.