MANILA, Philippines - Selos ang sinasabing motibo sa pamamaslang ng isang truck driver sa kanyang kapwa driver sa gitna ng isang inuman sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Arturo Dasigao, tubong-Jiabong, Samar, at stay-in sa Khen Trucking na nasa panulukan ng Severino Reyes at P. Herrera St., Sta.Cruz, Maynila dahil sa tinamong saksak sa katawan.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspect na si Narciso Solis Jr., alyas “Tomas”, 43, isa ring truck driver sa nasabing trucking company makaraang tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat, dakong alas- 7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng closed van ng isang ten-wheeler truck na nakaparada sa harapan ng Khen Trucking.
Una rito, nag-iinuman ang biktima at mga kasamahan sa trabaho nang dumating ang suspect at nakisalo sa inuman.
Hindi pa man tapos ang inuman ay umalis ang suspect at nang bumalik ito ay armado na ng patalim at walang sabi-sabing inundayan ng ilang saksak ang biktima at saka mabilis na tumakas.
Nabatid na may narinig na tsismis ang suspect hingil sa relasyon o ugnayan ng biktima sa misis ng suspect.