MANILA, Philippines - Inutos ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa isang empleyado ng Manila City Hall na inakusahang nanggahasa sa pamangkin ng kanyang live-in partner.
Bukod sa nasabing kaso, pinapatawan din ng preventive suspension si Boyet Valencia nakatalaga sa parks and recreations bureau at residente ng #2107 Fernandez II St., Tondo, Manila habang iniimbestigahan.
Ang desisyon ni Lim ay bunsod na rin ng rekomendasyon ni department of social welfare head Jay dela Fuente, kung saan maliban sa kasong kriminal, dapat ding masampahan ng kasong administratibo ang suspect matapos ang ginawa nitong pagsasamantala sa 11-anyos na bata na pamangkin ng kanyang live-in partner.
Ayon kay Dela Fuente, batay sa testimonya ng biktima, isang taon na umano siya ginagahasa ng suspect kung saan huling nangyari ang panggahasa noong Agosto 19.
Pinatotohanan naman ito ng medical examination.
Dahil dito, nakipag-ugnayan si Dela Fuente kay Chief Inspector Armando Macaraeg, MPD-homicide section, kasama sina Sr. Insp. Renato Solis, SPO4 Elmer Manalang, PO3 Raul Rubin Bautista at SPO4 Emmanuel Lopez, na umaresto sa suspect.
Positibo namang itinuro ng biktima ang suspect na ngayon ay nakakulong.