Pekeng mediaman timbog sa pangingikil
MANILA, Philippines - Isang nagpakilalang miyembro ng media ang inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police sa isang entrapment operation matapos na kikilan umano nito ang negosyante na may-ari ng perya sa lungsod.
Si Noel Pabustan, 51, may-asawa, at residente sa Blas Roque St., Brgy. Bagbag, Novaliches sa lungsod ay kasalukuyang nakapiit sa QCPD-Station 7 matapos na ireklamo ng isang Joel Aquino, 53, ng Dr. Sixto, Brgy. Rosario, Pasig City.
Ayon kay PO1 Raymond Balantac, nangyari ang pag-aresto sa suspect sa may Aurora Blvd., panulukan ng West Point sa Cubao ganap na alas-9:30 ng gabi.
Nagpakilala si Pabustan bilang radio commentator ng radio station DWBL at circulation manager ng dyaryong Headline Ngayon kung saan may mga identification card ito.
Dahil sa wala namang iligal sa kanyang peryahan, humingi na ng tulong sa pulisya si Aquino hanggang sa isagawa ang entrapment operation.
Dito naman nakipagkasundo si Aquino sa suspect na unti-unti niyang ibibigay ang P30,000 kung saan nagbigay na ito ng paunang P5,000 at inihanda ang P2,000 marked money.
Agad na dinakma ng mga pulis si Pabustan sa aktong tinatanggap nito ang P2,000 marked money. Nakuhanan din ng iba’t ibang ID ang suspect. Sasampahan ng kasong extortion si Pabustan.
- Latest
- Trending