13 katao huli sa pagdadala ng mga armas
MANILA, Philippines - Arestado ang may 13 katao na umano’y makikipag-transaksyon sana sa pagbili ng “tuko” matapos na makuhanan ng matataas na kalibre ng armas malapit sa isang restaurant sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ni P/Supt. Edgardo Pamittan, hepe ng Police Station 5, ang mga naaresto na sina Virgilio Lim, Edwin Tucay, Ronald Cuson, Benito Apostol, Billy Apostol, Ferdinand Apostol, Zaldy Bataan, Nestor Castañeda, Alexander Apostol, Roselyn Hernandez, Mark Alvin Sevilla, Christopher Valdez at Florante Santos.
Subalit paliwanag ni Pamittan, tatlo lamang sa 13 ang napatunayang nagkasala matapos ang isinagawang inquest proceedings kahapon sa Quezon City hall dahil sa pagdadala ng mga de-kalibreng mga armas. Kabilang dito sina Apostol, 37, negosyante ng Brgy. Cubcub, Capas, Tarlac; Castañeda, 46, ng Alcala, Pangasinan; at Apostol, 59, Criturary Capas Tarlac.
Nagpakilala rin anya ang mga suspect na agent ng Philippine Army at may identification card na miyembro ng “Soldier Development Center Training and Doctrine Command.
Ayon kay Pamittan, nangyari ang pag-aresto sa may Bulalo Fiesta restaurant na matatagpuan sa Commonwealth Avenue, North Fairview sa lungsod, ganap 9:30 ng gabi.
Bago nito, nakatanggap ng impormasyon ang tanggapan ni Pamittan mula sa district tactical operation center (DTOC) sa Camp Karingal kaugnay sa ilang kalalakihang may dalang mga baril sa nasabing lugar.
Agad na pinapuntahan ni Pamittan sa kanyang tropa na pinamunuan ni Senior Insp. Alfredo Lopez ang lugar sakay ng dalawang mobile patrol at inaresto ang mga ito.
Nang paikutan ng mga awtoridad ang mga suspect ay nakuha kay Castaneda ang isang kalibre 45 baril. At sa ginawang pagsisiyasat sa dala ni Alexander Apostol na Honda Civic (CLA-164) ay narekober din ang isang M-16 baby armalite at gloc 26 9mm caliber.
Bukod dito, narekober din sa isang Mitsubishi Adventure (RBJ-866) ang dalawang 9mm baril at mga magazine.
Dagdag ni Pamittan, walang maipakitang lisensya ang mga suspect sa dala nilang mga baril na pawang mga tampered o binago na ang serial number, gayundin ang dalawang sasakyan na dala ng mga suspect.
Kasong illegal possession of firearms ang kinakaharap ngayon ng mga suspect na may nakalaang piyansang P80,000 bawat isa.
- Latest
- Trending