MANILA, Philippines - Sa layuning makalikom ng pondo para makapagpatayo ng paaralan at maresolba ang kakulangan ng silid-aralan, ikinasa ng Department of Education (DepEd) sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang sector ang “Takbo/Lakad Para sa Paaralan.”
Sinabi ni Kenneth Tirado, hepe ng Public Information Office ng DepEd, gaganapin ang makabuluhang proyekto sa Setyembre 4 (Linggo) kung saan sama-samang maglalakad ang ating mga kababayan mula sa iba’t ibang sector patungong Quirino Grandstand ganap na alas-5 ng umaga.
“Piso ang katumbas ng kada kilometrong nilakad,” ayon kay Tirado.
Ang proyekto ay bahagi ng Adopt-A-School program ng DepEd na tinawag na “Barya Para sa Paaralan”.
Ang malilikom na barya ay gagamitin para sa pagpapatayo ng silid-aralan sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa bansa.
Nagpakalat na rin ang DepEd ng mga lata sa iba’t ibang department store sa bansa para makalikom ng barya sa nasabing proyekto.
“Kahit sentimo lamang ay maipagkakaloob ng bawat isa o kaya ay piso na kapag pinagsama-sama ay aabot ito sa milyon na maaring makapagpagawa ng mga paaralan,” naunang pahayg ni DepEd Sec. Armin Luistro.