MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng isang 31-anyos na mister na pinaniniwalaang notoryus na drug pusher matapos madakma ng mga operatiba ng Manila Police District-District Anti-Illegal Drugs sa inilatag na buy-bust operation sa Malate, Maynila noong Huwebes ng gabi.
Naisailalim na sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office ang suspek na si Erick Verses Llantero ng #155 Rial Street, Muntinlupa City kaugnay sa kasong paglabag sa Secton 5 at Sec. 11, Article ll ng Republic Act 9165.
Sa ulat ni C/Insp. Robert Domingo, hepe ng DAID-Special Operation Task Group, isinagawa ang buy-bust operasyon sa harapan ng fast food chain sa Quirino Avenue, San Andres St. sa Malate.
Nagkasundo ang suspek at mga poseur-buyer na sina PO3 Modesto Bornel at PO2 Enrique Miranda sa halagang P27,000 kapalit ng ilang gramo ng shabu. Dito naglutangan ang mga operatiba ng pulisya sa pag-aresto sa suspek kung saan narekober ang 25 gramo ng shabu at marked money na ginamit sa operasyon.