MANILA, Philippines - Isang high school student ang sinaksak ng kanyang kaeskwela at siyam na kabarkada nito matapos tuksuhin ng biktima ang suspek na uhugin na naganap malapit sa isang paaralan sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Malubhang nasugatan at ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng saksak sa katawan ang biktimang si Raniel Ogalinol, 18, ng Bagong Silang, Brgy. San Jose ng nabanggit na lungsod.
Pinaghahanap naman ang suspek na itinago sa pangalang Jomar at siyam na hindi pa kilalang barkada nito.
Naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng gabi sa San Roque National High School sa Gov. Pascual, Brgy. San Roque ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na bago ang insidente ay tinukso ng biktima si Jomar na uhugin sa loob ng nasabing eskuwelahan. Nagtanim ng galit si Jomar at inabangan nito ang biktima kasama ang mga kabarkada nito at doon sinaksak.
Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek habang dinala naman ang biktima sa nabanggit na ospital.