MANILA, Philippines - Pinawalang-sala kahapon ng Muntinlupa City Regional Trial Court ang dalawa sa tatlong miyembro ng tinaguriang “Alabang Boys” sa kasong pagtutulak ng ilegal na droga makaraang mahuli noong taong 2008 ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa desisyon na inilabas ni Muntinlupa City Regional Trial Court branch 204, inabsuwleto ni Judge Juanita Guerrero sina Richard Brodett at Jorge Joseph.
Sa kanyang desisyon, ikinatwiran ni Judge Guerrero na nabigo ang panig ng prosekusyon na maestablisa ang pagkakasunud-sunod ng kustodiya sa mga ilegal na droga na sinasabing nakuha sa posesyon nina Brodett at Joseph matapos silang arestuhin sa isang buy-bust operation. Tinukoy rin ng huwes ang pabagu-bagong testimonya ng mga saksi ng prosekusyon na nagpahina sa kaso.
Matatandaan na inaresto sina Brodett at Joseph ng mga tauhan ng PDEA sa pangunguna ni Chief Insp. Ferdinand Marcelino noong Setyembre 20, 2008 kung saan nakumpiska umano ang nasa 60 tableta ng ecstacy, at mga pakete ng marijuana.
Naaresto naman ang ikatlong miyembro ng grupo na si Joseph Tecson sa follow-up operation sa Cubao, Quezon City. Nahaharap si Tecson sa hiwalay na kaso sa Quezon City Regional Trial Court. Naging kontrobersyal ang kaso makaraang irekomenda naman ng mga prosecutor ng DOJ na idismis ang kaso dahil sa kawalan umano ng sapat na ebidensya. Inakusahan naman ng PDEA ang mga prosecutor na inalok ng P50 milyong suhol para ibasura ang kaso at maging si Marcelino ay inalok rin umano ng P20 milyong suhol para mapakawalan ang mga suspek.
Noong Marso 2009, naglabas naman ng desisyon si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na baligtarin ang desisyon ng DOJ at ituloy ang pagsasampa ng kaso sa tatlong akusado sa korte.