Kita sa lotto, nilimas ng 3 armado

MANILA, Philippines - Isang lotto operator ang hinoldap ng tatlong armadong lalaki, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Ang biktima ay nakilalang si Maria Dolores T. Cruz 32, ng Brgy. Bagumbayan South, Navotas City.

Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya laban sa hindi pa nakikilalang mga suspek.

Naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi sa kahabaan M. Naval St., Brgy. Bangkulasi ng nabanggit na siyudad.

Nabatid, na ang biktima ay sakay ng isang pedicab na minamaneho ng isang Efren M. De Mesa ng biglang harangin ang mga ito ng tatlong armadong suspek na sakay naman ng tricycle. Dalawa sa suspek ang agad na bumaba at tinutukan ng    baril ang biktima, sabay kuha sa dalang bag ng biktima na naglalaman ng P18,000.00 cash, na kinita ng lotto outlet, ibat-ibang susi ng lotto outlet, at personal nitong pera na hindi nabanggit ang halaga. Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa kahabaan ng   C-4 Road.

Show comments