Bagong laya, todas sa boga

MANILA, Philippines - Muli na namang nakalusot sa pulisya ang mga gun-for-hire na riding-in-tandem makaraang isang lalaki na bagong laya ang pagbabarilin at mapatay ng mga ito, kama­kalawa ng gabi sa Makati City.

Agad na nasawi ang biktimang nakilalang si Danilo Narciso, alyas Jay-jay, 27 at naninirahan sa Taylo St., Brgy. Pio del Pilar, ng naturang lungsod. Mabilis namang tumakas ang dalawang salarin lulan ng isang motorsiklo na walang plaka.

Sa ulat ng Makati City Police-Homicide Section, na­ganap ang krimen dakong alas-9:45 ng gabi sa kanto ng Dela Rosa at P. Medina Sts., Brgy. Pio del Pilar. Naka­istambay ang biktima sa naturang lugar nang biglang huminto sa tapat nito ang motorsiklo at agad na paputukan ng baril sa ulo ng mga suspect bago mabilis na tumakas.

Napag-alaman na naha­harap sa sangkaterbang kaso ng robbery snatching sa Brgy. Pio Del Pilar si Narciso at kalalaya lamang matapos masangkot sa kaso ng illegal na droga na posibleng isa sa dahilan ng pamamaslang sa kanya.

Maaari umanong nagkaroon ng onsehan sanhi upang liki­dahin si Narciso.

Show comments