MANILA, Philippines - Isang 16-anyos na Sangguniang Kabataan (SK) chairman ang nasawi nang aksidenteng sumabit at nabigti sa nakalaylay na cable wire habang nagmamaneho ng motorsiklo at binabagtas ang bangketa sa tapat ng Paraiso ng Maynila sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District Homicide Section, binawian ng buhay sa
Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktimang si Julius Ceasar Catipon, 4th year high school, SK Chairman ng Barangay 720, Zone 78, District 5 at residente ng Leveriza St., Malate, Maynila.
Dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa sidewalk sa Paraiso ng Maynila sa Adriatico St., Malate.
Nabatid na ang biktima ang nagmamaneho ng motorcycle service ng kanilang barangay at angkas niya ang isang Abedigo Agustin, 16, nang sumampa sila sa bangketa subalit hindi umano napansin ang nakalaylay na kable kung saan sumabit ang ulo ng biktima at nabigti.
Nawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang biktima kaya’t bumagsak sila ng angkas nito.
Iniimbestigahan pa ang insidente upang matukoy ang responsable sa nakalaylay na kable na nagdulot ng disgrasya at pagkamatay ng biktima.