MANILA, Philippines - Isang barangay executive officer ang nasawi matapos pagbabarilin ng isang retiradong sundalo nang magtalo umano ang mga ito hingil sa paglilinis ng kanilang lugar dahil sa pagkalat na sakit na dengue sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, nakilala ang nasawi na si Raymundo Sibal, 52, barangay ex-o ng Brgy. Payatas A sa lungsod. Siya ay nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan at likod na ikinamatay nito habang ginagamot sa Far Eastern University Hospital.
Agad namang naaresto ang suspect na si Arnaldo Robles, 53, isang retiradong sundalo na dating may ranggong Master Sergeant at nakatalaga sa Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at residente ng Beatiz St. Brgy. Bagong Silangan.
Nangyari ang insidente sa harap ng bahay ng suspect sa San Lorenzo St., ng naturang barangay ganap na alas-10 ng umaga sa kahabaan ng San Lorenzo St.
Bago ang insidente, nagsasagawa umano ng clean-up drive ang biktima kasama ang ilang ka-barangay dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng nagkakasakit na dengue sa naturang lugar.
Diumano, natiyempo ang grupo ng biktima sa junkshop na pag-aari ni Robles at kinausap ito hingil sa mga materyales na nakatabi sa kanyang shop na maaring pinamumugaran ng lamok na may dengue.
Dahil dito nagkaroon umano ng mainitang komprontasyon ang biktima at suspect, hanggang sa magbunot ng baril ang huli at pagbabarilin ang una saka tumakas.
Sa follow-up operation ay agad na naaresto si Robles. Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang 9mm na baril na may lamang pitong bala at depektibong kalibre 45 baril, at dalawang basyo ng bala ng kalibre 45.
Samantala, ayon naman sa mga kaanak ng suspect, dumipensa lamang umano si Robles dahil una umanong nagbunot ng baril si Sibal at pinaputukan ito kung kaya’t napilitan kunin nito ang kanyang baril at gumanti ng putok saka tinamaan ang huli.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.