Sinita namaril: Pulis, 1 pa sugatan

MANILA, Philippines - Kritikal ang isang lalaki habang sugatan rin ang isang pulis­ makaraang pagbabarilin ng tatlong lalaking sinita dahil sa kahina­-hinalang kilos ng mga ito, kahapon ng madaling-araw sa Makati City. Nasa malubhang kalagayan sa Ospital ng Makati dahil sa tama ng bala sa dibdib at pisngi si Joan Villorente, dating miyembro­ ng Bantay Bayan habang nagtamo naman ng tama sa kamay at paa ang pulis na si PO2 Mark Teli De Laza, miyembro ng Police­ Security Protection Group (PSPG) sa Camp Crame. Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling araw malapit sa bahay ng pulis sa Brgy Pembo. Sa pahayag ng asawa ng pulis na si Sheryl De Laza, papauwi na ang kanyang mister mula sa dinaluhang kasiyahan, kasama ang kaibigang si Villorente nang mapuna ang kahina-hinalang kilos ng isang lalaki na tila nag-aabang malapit sa kanilang bahay.

Dahil hindi pamilyar ang mukha, sinita umano ng pulis ang lalaki subalit biglang sumulpot ang mga kasamahan nito at pina­ulanan ng bala ang mga biktima. Nagawa umanong makabunot ng baril at makapagpaputok din si PO2 De Laza kaya’t mabilis na nagpulasan patakas ang mga suspect patungo sa hindi nabatid na lugar. Inaalam pa ng mga imbestigador ang tunay­ na motibo sa naturang pamamaril ng mga salarin o ma­aaring nabulilyaso ng mga biktima ang pakay ng mga ito kaya humantong­ sa pamamaril.

Show comments