Swimming pools sa mga subdibisyon iinspeksiyunin
MANILA, Philippines - Magsasagawa ng inspeksyon ang Muntinlupa City Health Department sa lahat ng swimming pools sa mga subdibisyon sa lungsod upang matiyak na hindi pinamamahayan ang mga ito ng mga lamok kasabay ng mataas na antas ng sakit na dengue.
Ito ang inihayag ni Omar Acosta, public information office chief ng Muntinlupa City Government, sa kabila naman umano ng mahigpit na pagtutol ng mga homeowners sa Barangay Ayala-Alabang.
Sinabi ni Acosta na kinakailangan nilang ipatupad ang inspeksiyon sanhi na rin ng pagtaas ng hanggang 300 porsiyento ng kaso ng dengue sa kanilang lungsod ngayon taon.
Kabilang sa mga papasukin ng grupong magmumula sa Sanitation Office ang Ayala Alabang, Hillsborough Alabang at Alabang Hills na pawang kilalang tirahan ng mga mayayamang pamilya.
Sinabi ni Acosta na nauna ng sumugod sa city hall ang mga opisyal ng naturang mga subdivision upang tutulan ang isasagawang inspeksiyon ng lokal na pamahalaan at ikinatuwiran na may pinangangalagaan silang seguridad.
Iginiit pa ng mga ito na nasa maayos na “maintenance” naman umano ang kanilang mga swimming pool kaya walang dapat ipag-alala ang pamahalaang lungsod na pagmumulan ang mga ito ng mga lamok na nagdudulot ng sakit na dengue.
- Latest
- Trending