MANILA, Philippines - Isang mini shabu laboratory ang sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na dito nasamsam ang mga kagamitan at sangkap sa paggawa ng shabu sa lungsod, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon kay QCPD director General George Regis, ang sinalakay na laboratoryo ay isang apartment type na matatagpuan sa Dangay St., Veterans Village, Project 7 sa lungsod.
Ginawa ang raid, bunga ng impormasyong ibinahagi sa QCPD ng naarestong negosyanteng Tsinoy na si William Sy kaugnay sa lugar kung saan nila pino-proseso ang droga.
Matagal na umanong tiniktikan ng QCPD ang nasabing apartment dahil sa ulat na may mini shabu laboratory sa ikatlong palapag nito.
Ganap na alas-10 ng gabi nang salakayin ng nasabing tropa ang naturang apartment base sa search warrant na inisyu ni Quezon City Regional Trial Executive Judge Fernando Sagun kung saan natuklasan ang mga sangkap at kagamitan sa paggawa ng shabu.
Ang nasabing mga sangkap ay inilagak na sa pangangalaga ng PDEA laboratory para sa kaukulang disposisyon.