Sekyu patay sa bayaw

MANILA, Philippines - Patay ang isang security guard makaraang saksakin ng kanyang bayaw sa gitna ng kanilang away nang mag-umpisang mambato ng bahay ang suspek, kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City. Hindi na umabot pang buhay sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang nakilalang si Aptorani Antagan, 39, ng B6A3 Lot 137 Yakal street, Camella Ridgeview 2 Victoria Homes, Brgy. Tunasan, ng naturang lungsod.

Agad namang naaresto ng mga barangay tanod ang suspek na si Gerald Alabado, 22, residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Muntinlupa City Police, naganap ang krimen dakong alas-11:30 ng gabi sa tapat ng bahay ng biktima. Nabatid na dumating sa lugar ang suspek na si Alabado na lango sa alak at pinagbabato ang bubungan ng bahay ng biktima.

Nilabas naman ito ni Antagan at agad na sinuntok si Alabado ngunit nakabunot naman ito ng patalim at dalawang beses na sinaksak ang bayaw. Isa sa saksak ng suspek ang tumama sa puso ng biktima na sanhi ng kamatayan nito.

Napag-alaman na may matagal na umanong alitan ang dalawa sa hindi pa mabatid na dahilan.   Nahaharap ngayon sa kasong murder ang suspek na naka­detine ngayon sa Muntinlupa detention cell.

Show comments