MANILA, Philippines - Mahigit sa 200 mga drivers ng mga pampasaherong bus na patuloy na umiisnab sa kautusan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sumunod kaugnay sa vehicle tagging scheme ang nasampolan makaraang tikitan ang mga ito sa unang araw ng lubusang implementasyon nito.
Sa datos ng MMDA-Public Affairs Service, nasa 215 bus drivers na ang hinuli at tinikitan sa buong maghapon kahapon.
Matatandaan na unang ipinatupad ang dry run ng tagging scheme nitong nakaraang linggo kung saan puro paninita lamang ang ginawa ng mga traffic enforcers upang maihanda ang mga ito.
Nagkaroon ng ilang pagtatalo sa pagitan ng mga bus drivers at mga enforcers nang akalain ng una na sila ang magbabayad ng multang P500.
Naresolba naman ito nang ipaliwanag na ang mga operators ng kanilang kompanya ang kailangang magbayad ng multa dahil sa sila ang may responsibilidad na pintahan o dikitan ng numero ng plaka ang kanilang mga bus units.
Ilan sa mga hinuling mga bus ay may ikinabit na ring mga numero ng plaka sa mga tamang lugar ngunit mali ang kulay at sukat ng mga ito.Pinayagan rin naman agad na makabiyahe ang mga bus makaraang tikitan ang mga driver nito ngunit binalaan na kailangang maitama agad ang mga pagkakamali.
Sinabi ng MMDA na layon ng “roof tagging scheme” na agad na makilala ang mga bus na bumibiyahe sa Kamaynilaan upang agad na maresolba ang mga nagaganap na aksidente habang isang paraan rin umano ito upang malabanan ang mga kolorum na bus na patuloy na nanlalamang sa mga kalsada.