Special lane para sa OFWs, inilaan ng NBI
MANILA, Philippines - Inaksiyunan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang concern ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang nais mamasukan sa ibayong dagat hinggil sa abala o bagal sa pagkuha ng NBI clearance.
Upang mapabilis, sinabi ni Atty. Reynaldo Esmeralda, NBI deputy director for technical services na naglagay na sila ng special lane para sa OFWs.
Ikinonsidera ng NBI ang hinain ng ilang recruitment companies kabilang ang Filipino Association Manpower Exporters, Inc. (Fame) at OFWs na mawawala ang oportunidad nila na makaalis patungo sa destinasyong bansa kung natatagalan ang NBI sa pag-iisyu ng clearance certificates.
Noong nakalipas na buwan, nang pasimulan ang Biometric Clearance System (BCS) dinagsa ng reklamo ang NBI sa mabagal na serbisyo o pag-iisyu ng clearance dahil sa makabagong sistema kung saan ang computer na ang kukuha ng litrato at fingerprints ng aplikante maging local o abroad.
Ang FAME ay may 700 miyembro sa iba’t-ibang bansa na nagde-deploy ng OFWs.
Pinasalamatan naman ng grupo ang tugon ni NBI Director Magtanggol Gatdula dahil sa pagpapabilis ng pag-iisyu ng NBI sa mga aplikante na magtatrabaho sa abroad.
Nasubukan na rin kaagad ng FAME ang special lane services nang i-endorso nila ang 29 workers patungong Guam na mabilis nakakuha ng renewal ng NBI certificates.
- Latest
- Trending