MANILA, Philippines - Dalawang binata ang nasawi makaraang tambangan ng tatlong hindi nakikilalang lalaki lulan sa isang motorsiklo sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Sa ulat ng QCPD-CIDU, kinilala ang mga nasawi na sina Darwin Rabonar, 17, ng Brgy. Payatas at Ricardo Najera, 18, ng Brgy. Commonwealth.
Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng CIDU, sina Rabonar at Najera ay tinambangan ng tatlong mga armadong kalalakihang nakasuot ng bonnet at itim na jacket sa may Manggahan St., Commonwealth Avenue, Brgy. Commonwealth ganap na alas-11:40 ng gabi.
Ayon sa ulat, papauwi na ang mga biktima at habang naglalakad sa lugar kasama sina Mang Jonathan, tatay ni Darwin at isang Hansel Collantes nang mula sa kanilang likuran ay sumulpot ang mga suspect at unang pinagbabaril si Rabonar.
Nagawa namang makatakbo papalayo ni Najera pero, sinundan siya ng suspect at nang maabutan ay saka pinagbabaril sa gawing ulo, bago nagsipagtakas.
Dead-on-the-spot si Rabonar habang nagawa pang maisugod ng ilang residente si Najera sa East Avenue Medical Center, subalit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas.
Nakarekober ng mga operatiba sa lugar ng krimen ang ng isang basyo ng kalibre 45 at tatlong basyo ng kalibre 9mm na ginamit kina Rabonar at Najera.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pagpaslang sa dalawang binata at kung sino ang posibleng gumawa nito.